Thursday, October 29, 2009

Cory Magic


Hindi ko gaanong kakilala si dating Pangulong Corazon “Cory” Aquino pero dahil maraming tao ang naapektuhan ng kanyang pagkawala, nahikayat ako na kilalanin din siya. Kung tatanungin ang ilang mga kabataan sa aking henerasyon kung sino nga ba si Cory, ang karaniwang naisasagot lamang nila ay siya ang unang presidenteng babae ng Pilipinas o kaya’y ina ni Kris Aquino,isang sikat na artista at TV host.

Kamakailan lamang ay naratay sa banig ng karamdaman si Cory sa sakit na colon cancer at nitong nakaraang ika-1 ng Agosto ay tuluyang pumanaw. Sa una’y bale wala lang ito sa akin sapagkat hindi ko naman siya kilala pero tila may kumurot sa aking puso at naramdaman ko ang pighati ng bawat mamamayan sa kanyang pagkawala. Mula sa pag-aalay ng misa mula pa noong may sakit siya hanggang sa pag-aalay ng mga bulaklak sa tapat ng kanyang bahay matapos na siya’y mailibing, talagang makikita ang pagmamahal sa kanya ng masa.

Mula sa pagkakaburol niya sa La Salle Greenhills Gymnasium hanggang sa ilipat siya sa Manila Cathedral, dagsa-dagsang tao ang dumalo para masilip ang kanyang mga labi sa huling pagkakataon. Sa kanyang burol, bumuhos ang luha ng mga taong nagmamahal sa kanya at maging ang dati niyang mga katunggali sa pulitika ay tila naapektuhan sa pagkawala ng dating pangulo.

Sa araw ng kanyang libing, nagdaos ng huling misa para kay Cory sa Manila Cathedral na kung saan naramdaman talaga ng nakakarami ang sakit at lungkot sa kanyang pagkawala. Naitanong ko sa ilang taong kakilala ko kung bakit sila umiyak at nalungkot sa pagkawala ni Cory. Ang sabi ng ilan sa akin ay dahil daw naawa sila sa mga naulila ni Cory, napakabuting tao niya, nadala sila sa mga sinabi ni Kris, at ang iba nama’y tila ramdam nila ang sakit at kalungkutan dahil naranasan na rin nilang mawalan ng isang minamahal. Subalit ang tumimo sa aking isipan ay ang pagkabuhay daw muli ng alaala ng People Power Revolution at ang pilit na paghahanap ng kasagutan kung nasaan na ang mga adhikaing ipinaglaban noong 1986.

Sa paglabas ng kanyang mga labi sa simbahan at pagsakay sa trak na magdadala sa kanya sa Manila Memorial Park, sumabay sa pagbuhos ng ulan sa lansangan ang pagbuhos ng luha mula sa sobrang dami ng taong nakiramay. Kasabay ng pag-andar ng trak ay ang pagdagsa ng mga tao na naglakad at sumunod sa prusisyon ng libing kahit na anong bagal ang pag-usad nito. Ang ilan sa mga tao ay nag-abang na lamang sa pagdaan ng trak habang isinisigaw ang pangalan ni Cory. Ang ilan naman ay naghagis ng mga dilaw na bulaklak sa ibabaw ng trak at halos lahat ay nakataas ang kamay at bumuo ng letrang L ang kanilang mga daliri simbolo ng “Laban” na kung saan pinasikat ni Cory noong panahon ng EDSA 1. Dilaw ang naging tandang kulay na nagpapakilala kay Cory kaya’t maging sa kanyang libing ay dilaw ang nagsilbing kulay ng lansangan dahil sa mga confetti, lobo, damit, iba’t ibang banner na nagsasaad ng mensahe, litrato ni Ninoy at mga kalapating pinalipad.

Noong panahong ipinaglaban ni Cory ang ating kalayaan mula sa diktadurya, ang mga mamamatay-sunog ang nagpaligo ng tubig sa mga nagrarally. Sa libing ni Cory hindi rin nawala ang mga mamamatay-sunog ngunit sa pagkakataong ito, pataas ang daloy ng tubig tanda ng respeto at pagsaludo sa dating pangulo.

Tumagal ang prusisyon ng libing ng halos pitong oras. Pitong mahahabang oras ng paglalakad, pagkabasa sa ulan, pagkauhaw at pagkagutom, at pitong ring maiikling oras upang makasama at masilayan si Cory. Sa pagbuhos ng ulan, hindi nagpaawat ang pagdami ng taong nakilibing. Nang makarating sa himlayan ang mga labi ng dating pangulo, isang naaangkop na parangal ang inihandog ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na kanilang mahigpit na pinaghandaan.

Sa pagdaraos muli ng isang maikling pagbabasbas sa dating pangulo, ang kanyang mga anak at mga kaibigan ay nagpaalam sa huling pagkakataon. Gaya ng sabi ni Cory noong pagkamatay ni Ninoy, “Ninoy who loved the Filipinos; is being loved in return” at ngayon, sa ipinakita ng mga tao, kay Cory naman nababagay ang mga katagang ito.

Sabi nila, umiral na naman ang “Cory Magic” na kung saan napagkaisang muli ni Cory ang sambayanan. Gaya noong kaganapan sa People Power Revolution , umulan muli ng dilaw na confetti, narinig muli ng sambayanan ang mga makabayang kanta, nabuhay muli ang pag-asa, nagkabuklod muli ang mga Pilipino, at nagkaisa muli ang bansa. Gaya nga ng sabi ni Cory, “I Thank God that I am a Filipino.” Sa kanyang pagkawala, sana ang kanyang mga katagang ito ay manatili at maisabuhay ng bawat Pilipino.

No comments:

Post a Comment