
NOONG bata ako, laging sinasabi sa akin ng mga magulang ko na may bayan akong dapat pagsilbihan at ipagmalaki. Opo lang ako ng opo noong tinuturo nila iyon sa akin kahit na hindi pa talaga ito lubos na maintindihan ng aking musmos na isipan. At ilang taon nang nakalipas, hindi ko pa rin maunawaan iyon hanggang sa tuluyan ko na itong isinantabi.
Naaalala ko pa noong ako’y walong taong gulang pa lamang, nakaupo at kumukayoy ang aking mga paa sa duyan na nakasabit sa pagitan ng dalawang puno. Pagala-gala ang aking tingin sa mga kung anu-anong bagay sa paligid habang bumubuo ang aking isipan ng mga tanong na sa habang pagtanda ko ay unti-unti kong nasasagot.
Sa hindi kalayua’y tinawag na ako ng aking ina sapagkat kami’y tutungo para magsimba. Habang na sa loob kami ng simbahan gaya ng ilang mga bata, palaro-laro lang ako at makulit na humihingi ng perang pambili ng makukulay na koton kendi hanggang sa mapagalitan na ako ng aking ama. Maya-maya’y nagsimula na maghomily ang pari at nakuha niya ang aking atensyon nang bumanat siya ng joke. Mula noo’y nakinig na ako sa kanya at may isang bagay siyang naituro sa akin na hindi ko malilimutan. Iyon ay ang buhay ng tao daw ay ipinagkaloob sapagkat may dahilan ang Diyos. At naisip ako, ano nga kaya ang dahilan bakit ako nabuhay?
Sa pagtatapos ng misa, nakuha ko na rin sa wakas ang inaasam kong koton kendi. Sa aking pagkain, sumabay na lamang ang pagkawala nito sa pagsasantabi ko doon sa sinabi noong pari.
PAGDAAN ng ilang taon, lagi pa rin akong bumubili ng koton kendi pagkatapos ng misa. Pero nahinto na ito nang minsa’y bibili pa lamang ako nang biglang napunta ang atensyon ko sa isang matandang nakasuot ng gulagulanit na damit na animo’y mas marumi pa sa basahan, at nakahiga sa gilid ng kalsada habang naghihintay mapunan ng kahit kaunting barya ang baso sa kanyang tabi. Halos madurog ang puso ko nang maisip ko and estado niya sa buhay. Matanda na siya, mahina na, pero tinitiis niya ang init ng araw at lamig ng gabi para lamang kumita ng kakarampot na baryang pambili ng pagkain na hindi man lang makakabusog sa kumukulo niyang sikmura. Pero wala akong magawa. Ang tangging nagawa ko lang ay ibigay sa kanya ang limang pisong pambili ko sana ng koton kendi.
Sa pagsakay ko ng tricycle, naisip ko ang mga lolo’t lola ko. Matatanda na rin sila, may ilang mga parte ng katawan na nila ang sumasakit at marami na rin silang mga hindi kayang gawin. Gumuhit muli sa aking isipan ang larawan ng matandang nakita ko. Halos kapareho lang siya ng mga lolo’t lola ko. Kung sila nahihirapan, ano pa kaya itong matandang pulubi na walang pambili ng gamot, walang matinong tirahan, walang makain at marahil mas nanaisin pa niyang mawala sa mundo para lang maibsan na ang kahirapang nararamdaman niya sa araw-araw. Muli, wala nanaman akong magawa. Minsa’y gusto ko siyang puntahan, pakainin at makakwentuhan kahit sandali pero sa muli kong pagsimba, wala na siya doon. Marahil lumipat na siya ng ibang lugar para mamalimos o kaya’y dinala na siya sa home for the aged.
Sa sandaling panahon na nasilayan ko ang matanda, ang dami niyang naipamulat sa akin. At marami pang mga kasunod na pangyayari ang nagturo sa akin kung gaano kahirap ang buhay.
ISA na rito ay ang pagdating ng bagyong Ondoy na bumago sa buhay ng nakakarami at nagbigay ng aral sa akin tungkol sa mga mahahalagang bagay na habang-buhay kong dadalhin.
Pauwi kami noon ng aking ninang sa Nueva Ecija. Bagamat bagyo, hindi namin inaasahan na ang bagyong iyon ay magiging mitsa ng buhay ng nakakarami. Panatag na panatag kami ni ninang na nagkukwentuhan nang bigla nalang na may mga nagtetext sa kanya at nangungumusta kung lumubog daw ba ang aming bahay. Nagulantang kami kaya’t binuksan namin ang radyo at nakinig ng balita habang pauwi sa bahay ng lola ko. Sa aking naririnig na mga panayam sa mga tao, hindi ko alam kung nararapat ba akong magpasalamat kasi maswerte kami at wala kami doon o dapat akong malungkot kasi wala ako doon para tumulong sa mga nangangailangan.
Ako’y nalulumbay sapagkat wala nanaman akong magawa. Wala. Hindi ko mailigtas ang mga taga Marikina na nasa ibabaw ng kanilang mga bahay habang nasa Nueva Ecija ako at nakaupo sa aming salas habang pinapanood silang nahihirapan. Hindi ko kayang pahupain ang bahang nilulunod ang sambayanang Pilipino. Hindi ko mahanap ang mga taong nawawala. Hindi ko kayang kupkupin ang libo-libong batang nawalan ng magulang. Hindi ko maibalik ang mga kabuhayan na nilamon ng pagkakataon. Hindi ko napigilan ang bagyo. At habang unti-unting kinukuha ng bagyo ang buhay ng mga tao, tangging lungkot at awa lang ang aking naibigay.
Sa karanasang ito ako namulat para kumilos at tumulong sa mga taong alam kong may kailangan. Sumama ako sa mga organisasyong tumutulong sa mga nasalanta ng bagyo. Natuto akong makisalamuha sa kanila at ipinamulat nila sa akin ang paghating kanilang naranasan na minsa’y nagbigay ng lamat sa kanilang buhay na mahirap nang malimutan. Pero sapat na nga ba ang mga nagawa ko? Sapat na ba ang isang kilong bigas, mga damit, mga de lata at mga instant noodles para mapalitan ang buhay na nawala sa kanila? Alam kong masakit ang pinagdaanan nila pero parang mas nasasaktan ako kasi walang na ngang nagyari sa akin, hindi ko pa magawang tulungan sila.
Parusa nga lang ba ito sa atin o isang pamamaraan ng Diyos para tayo’y muling ipagkaisa? Pero kung anuman iyon, nais ko na lamang itong ituri na isang hulog ng langit na naglinis ng mga kasalanan at pinagkaisa ang bawat Pilipino. Isang suliranin na masasabing napagpantay ang estado sa buhay ng nakakarami. Walang pinipili. Mayaman man o mahirap, tinamaan man ng bagyo o hindi, nagkaisa para sa kapakanan ng bawat mamamayan.
Pero parang wala pa rin akong nagawa. Nakapaghatid man ako ng tulong parang wala pa ito sa katiting na kailangan ng mga taong nasalanta ng bagyo. Sa halip narito nanaman ako sa tapat ng aming telebisyon at pinapanood ang mga taong nasalanta ng bagyo, mga napatay, at maging mga nagrarali.
PAUWI na ako noon nang maabutan ako ng trapik dahil sa mga nagrarali. Hinangaan ko sila sapagkat naisusulong nila ang kanilang protesta para sa pagbabago. Naisip ko, sana may kapangyarihan ako para sabihin sa gobyerno kung ano ang boses ng masa, sabihin sa mga pulitiko na huwag masilaw sa pera, protektahan ang mga nagrarali laban sa pambobomba ng tubig sa kanila, sana may kapangyarihan ako para ibigay ang pagbabagong hinihiling ng bawat Pilipino at sana may lakas ako ng loob para ipaliwanag sa mga nagagalit na pasahero na para na rin sa kanila ang ginagawang rali ng mga tao. Ngunit wala akong magawa kundi ang panoorin na lamang sila na isulong ang pagbabago habang ang mga katabi ko sa dyip ay nagrereklamo sa trapikong dinudulot nila.
Gustong-gusto kong sumama sa pagprotesta dahil alam ko na kahit sa munting paraan, nakikiisa ako sa pagsulong ng mga pagbabago para sa bayan. Pero hindi ko magawa. Hindi kakayanin ng resistensya ko. Ang tangging bagay na lamang na maaari kong gawin ay ang magmulat sa mga tao kung ano nga ba ang mga kabulastugang nangyayari sa gobyerno.
HINDI tumagal ay nakarating na rin ako sa kanto ng mall kung saan ako muling sasakay para makauwi ng bahay. Dumaan muna ako sa Western Union para kuhanin ang perang padala ng aking mga magulang. Minabuti kong umuwi agad sapagkat alam kong delikado na kasi lumalalim na ang gabi at may dala pa akong 20,000 sa aking bag. Bagamat lumilipad ang aking isipan, hindi ko namalayan na muntikan ko nang matapakan ang isang lalaking nakahandusay sa daan. Natulala na lamang ako nang binubuhat na siya ng mga tao at isinakay sa ambulansya. Tangging yuko at lungkot na lamang aking nagawa.
Nagmuni-muni ako sandali at naisip ko, bakit nga ba wala man lang akong ginawa? Dahil ba nasira ang araw ko kasi hindi ko nakita ang inspirasyon ko o dahil nabadtrip nanaman ako kasi naka tres ako? Sa pagsakay ko ng tricycle, nablanko nanaman ang aking isipan. Binalot nalang ng kaantukan ang aking nararamdaman hanggang sa hindi ko namalayan, lumagpas na pala ako sa aming bahay kaya’t pinabalik ko na lamang ang tricycle doon.
Gulung-gulo ang aking isipan sa pagpasok ko sa bahay. May mga tanong na naglaro sa utak ko na nagdulot na lamang ng kasakitan ng aking ulo. Ano kaya ang nangyari dun sa taong nakahandusay sa kalsada? Nasagasaan kaya siya? Lasing kaya? Bakit hindi ko inalam? At higit sa lahat, bakit wala man lang akong nagawa?
Hindi na ako nakakain pa ng hapunan at dumiretso na lamang ako sa aking silid upang umpisahan ang aking sanaysay. Ang dami kong mga naiisip na bagay na gusto kong isulat ngunit hindi ko ito mapagsama-sama. Pati ba naman ito hindi ko pa magawa. Pero bakit ang dali para sa akin ang tapusin ang apat na CD ng aking nilalaro? Marahil hindi ko nanaman maalis sa aking isipan ang nangyari sa taong nakahandusay sa daan. Maayos na kaya ang lagay niya? Maayos din kaya ang pamilya niya? Gustuhin ko man na bigyan siya ng perang pampagamot ano pa ba an magagawa ko kung ako mismo ay walang pera. Paano na nga kaya yung ibang tao sa ospital na walang pambayad? Iniiwan nalang ba sila doon ng mga kaanak nila at hindi na matubos?
BIGLA-bigla’y gumuhit sa aking isipan ang larawan ng PGH na ang mga pasyente ay nagkalat lang sa mga pasilyo at walang pambili ng gamot. Nalungkot lang ako lalo kasi hindi ko man lang sila matulungan. Hindi ko magawang bigyan sila ng gamot, tumabi sa kanila para subuan sila, gamutin sila ng libre at pasayahin sila kahit kaunti.
Pero hindi ko magawa. Minsa’y naisip ko na sana makagawa ako ng gamot na kahit anong sakit ay pwedeng gumaling pero mukang napaka imposible nito. Ngunit kung nagawa ko man ito, buhay pa sana ang lolo ko at marahil hindi na sana nagtiyatiyaga ang aking ina sa pagkontrol ng kanyang diabetes.
MASYADO nang naaliw ang aking isipan kaya’t kumuha na lamang ako ng lapis at isang palinis na papel at sinumulang isulat lahat ng mga naiisip ko. Hanggang sa tinupi at ginawa ko na lamang eroplano ang malinis na papel na hawak ko. Hindi ko magawa ang dapat kong gawin. Hindi ako makapagsulat dala ng halo-halong emosyon na nararamdaman ko, at dala na rin ng pag-aalala kung papalarin ba akong pumasa sa lahat ng aking asignatura.
Natatandaan ko pa noong bata ako, lagi akong tinuturuan ng mga magulang ko sa aking pag-aaral. Dala na rin ng takot ko na mapalo nila. Masaya ako noong sa tuwing makakakuha ako ng isang parangal sapagkat alam ko na matutuwa ang mga tao sa paligid ko. Pero bakit ngayon, hindi ko na ulit ito magawa; hindi na ako masyadong nakakakuha ng mga parangal at ng mga kung anu-anong mga papuri at sa halip, wala na akong magawa pa.
Ang dami nang nangyari. Ang dami ko na ding hindi nagawa. At parang animo’y unti-unti akong binabangungot ng aking kunsensya.
Nasaan na kaya ang pulubi sa tabi ng simbahan? Kumusta na kaya ang mga nasalanta ng bagyo? Nahilom na kaya ang mga sugat na natamo ng mga nagrarali? Buhay pa kaya yung taong nakahandusay sa kalsada? Maayos kaya ang lagay ng mga pasyente sa PGH? Mapapasaya ko kayang muli ang mga tao sa paligid ko at ang mga magulang ko? At higit sa lahat, magawa ko pa kaya ang mga bagay na nabigo akong gawin?
Hindi ko masagot lahat ng katanungan sa aking isipan pero lagi akong umaasa na sana’y maging maayos na ang lahat. Naiinis ako sa aking sarili sapagkat wala akong magawa para sa mga nangangaiilangan. Ngunit iniisip ko na lamang na pampalubag loob na rin siguro ay nagawa kong mag-alala at magmalasakit sa mga taong hindi ko man natulungan pero napuna ko sila kaysa sa hindi ko pagpansin at pagbubulag-bulagan sa mga bagay na dapat bigayan ng karampatang atensyon.
Ang dami na palang mga dumaang pangyayari sa buhay ko. Mga bagay na hindi ko magawan ng paraan at hindi ko unabis magawa. Marami na rin ang mga nawalang pagkakataon na sana’y may nagawa ako ngunit wala. Masyado akong naging mahina kung kalian ako dapat naging malakas para sa kapwa ko. Pero nabigo man ako, marami akong natutunan na nakatulong sa pagbuo ng aking pagkatao.
Ngayon, naiintindihan ko na ang sinabi sa akin ng aking mga magulang na may bayan akong dapat pagsilbihan at ipagmalaki. Isang bagay na hindi ko alam kung kakayanin ko ba o unti-unti ko nang nasisimulang tapusin. Pero kung gaano man kalayo ang narating ng aking misyon, lagi ko pa rin natatanong sa sarili ko sapat na ba ang mga nagawa ko para masabing pinaglingkuran ko na ang bayan?