Tuesday, November 3, 2009

Soundtrip ng mga Noypi


Bakit naging bahagi na ng ating buhay ang musika?
Noon at hanggang ngayon, hindi mawala-wala sa ating mga Pilipino ang pagkahilig at pagtangkilik sa musika. Hindi na rin nawawala ito sa ating pangaraw-araw na buhay halimbawa nalang:

1: Musmos na sanggol pa lang tayo, kinakantahan na tayo ng ating mga ina sa ating pagtulog. Paglaki natin ng kaunti, ginagaya na natin sila pati na ang mga novelty songs na sikat sa radyo.

2: Hindi nawawala sa mga handaan, inuman, o kahit ano pang okasyon ang Videoke na kahit sintunado ang boses mo, pakapalan na lang ng mukha sa pagbirit.

3: Ang pagkakaroling tuwing pasko sa labas ng mga bahay na kahit na namamaos ka na, okey lang kahit wala o kakarampot na pera lang ang ibibigay sayo.

4: Maging sa pagsisimba, hindi din nawawala ang musika at ang pag-awit ng ating pananampalataya. Gayon din tuwing mahal na araw, sino ba naman ang hindi makakapansin sa mga nagpapasyon na sa bawat sulok ng simbahan ay may megaphone.

5: Kahit sa Flag Ceremony hindi mawawala ang pagkanta ng Lupang Hinirang, Bayan Ko, School Hymn, Provincial Hymn at kung anu-ano pa. Minsan pa nga may tagalog at ingles na bersyon pa ito.

6: Bahagi na rin ng panliligaw ang musika. Tulad na lang ng paghaharana at pagdededicate ng kung anu-anong mga love songs sa radyo. At syempre hindi mawawala ang mga sobrang cheesy na team song ng dalawang magsing-irog.

7: Sabihin man natin na mahilig kang sumayaw, paano ka sasayaw ng walang musika diba? Sa mga gimikan, kadalasan mga rhythm and blues o ang tinatawag na RnB. Syempre meron din namang mga classics pagdating sa ballroom.

8: Sa mga mall at mga enterprises, hindi nawawala ang malalaking stereo component sa labas ng pintuan. Pang-akit daw kasi iyon sa mga costumer. Mas malakas at mas sikat na kanta,mas kapansin-pansin kahit na sumasabog ang tunog.

9: Bahagi na rin ng porma ng tao ang musika. May mga hip hop na malalaking t-shirt ang porma at rap naman ang kanilang musika. May mga emo naman na nakaitim lagi, makakapal ang eyeliner at kung anu-ano pa. impluwensya na rin kasi ito ng mga bandang emo gaya na lang ng My Chemical Romance at Chicosci.

10: At syempre, hindi mawawala ang colonial mentality nating mga Pilipino lalo na’t pagdating sa musika. Gaya na lamang ang paggawa ng mga tagalized version o di kaya’y ang pagtangkilik natin ng mga banyaga na musika dahil kaakit-akit ang mga kumanta nito kahit na hindi natin alam ang kung ano nga ba talaga ang nais ihatid na mensahe noong kanta.


Ang musika nga naman, parte na ng buhay. Mula sa mga katutubo hanggang sa mga kabataan ng henerasyon, kahit saan pa man, hindi nawawala.


Pero may mabuti nga bang naidudulot ang musika?


Sa panliligaw siguro marami. Pero sa daloy ng buhay, pili lang talaga ang mga mabuting naidudulot ng musika. Gaya na lang ng mga praise and worship songs na nakapagpapatatag ng ating pananampalataya, at mga makabayan na kanta na pinagkakaisa ang mga Pilipino.


Ayon sa nakakarami, nakakarelax ang musika. Pero syempre depende na rin ito sa klase ng mga kanta at melody. Tulad na lamang ng Jazz o mga classics tulad nina Frank Sinatra, Nat King Cole, at Jose Marie Chan na luma na, swabeng-swabe pa rin .


Ayon naman sa mga eksperto, naaayon daw ang kabutihan ng musika sa pamamaraan ng pagtanaw at depende na rin sa pamamaraan ng pakikinig nito. Dapat raw na kung gagamit tayo ng earphones, pinakamatagal na ang anim na oras sapagkat nakakabingi ito kapag nasobrahan.
Isang eksperimento ang ginawa sa mga halaman gamit ang musika. Ang halaman A ay itinapat sa radyong alternative rock ang kanta. Ang halaman B naman ay itinapat sa radyong classical ang kanta. Makaraan ang limang oras, ang halaman A ay nalanta at ang halaman B ay nanatiling buhay. Iba talaga ang musika. Pwede rin pala itong deadly weapon.


Kung nakakasama ang ilang mga kanta, bakit nga ba ito nililikha at gustong-gusto ng masa?


Napapanahon kasi ang musika. Sa paglipas ng panahon, kasabay nito ang paglipas din ng mga mang-aawit at mga banda. Syempre kung ano din naman ang mga nasa uso, iyon na yung mga tinatangkilik ng nakarami. Epekto na rin ito sa mga mang-aawit kaya nalilikha ang mga kantang ito sapagkat ito ang bebenta sa masa.


Dahil na rin sa napapanahon na mga kanta, nagiging creative tayong mga Pinoy. Gumagawa tayo ng ating sariling bersyon na kadalasan nababatikos dahil sa nagkakaroon ito ng ibang kahulugan. Gaya na lamang ng “Banana” na taglish version ng kanta ni Akon. Iniba kasi ito nung umawit. Sa halip na tagalugin ang kanta, nilapatan na lamang niya ito ng katunog na salita na nahantong sa pagkakaroon ng double-meaning na binatikos ng simbahang katoliko.


May ilan namang mga kanta na parang papuri sa isang tao pero kung titingnan ang strong points nito, patriyarkal ito at lumalabas na negatibo pa nga dun sa sinasabing inalayan ng kanta. Tulad na lamang ang kanta ng Dagtang Lason na “Nagmahal ako ng Bakla.” Marami sa mga bakla ang nahumaling at na-flattered sa kantang ito, pero ayon sa isang bakla na napanood ko sa Rated K, sa kanyang pagsusuri, ang pinalalabas lang sa kantang iyon ay ang mga bakla ay pineperahan lang at taken for granted lang sila ng mga lalakeng niloko ng mga babae.


Kaya kung titignan natin, habang tumatagal, nawawala na ang mga magagandang musika. Iba pa rin talaga ang mga luma at mga classics. Pero dahil daw luma na, at wala na sa uso, korni na daw. Pero hindi lang talaga nakikita ang kagandahan ng mga musikang ito sapagkat lumalabas na ang iba’t ibang trends ng kanta. Parang porma at kultura na unti-unting nawawala ang halaga pag may dumating na mas bago.


Pero kung sunod sa uso lamang ang mga kanta, wala sanang mga revival ngayon. Pero kahit iyong mga revival naman na ito, classic nga pero may kanya-kanya rin naman bersyon kung paano nila ito inawit kaya nagiging modern na rin ito.


Biruin mo kung korni ang mga lumang musika, paano na lamang pagtanda natin e di korni na rin yung musikang gusto natin ngayon?

Thursday, October 29, 2009

Sanglaan


Sa tuwing binabalikan ko ang lugar na aking kinagisnan, may kung anong nagtutulak sa akin na tanawin ang katabing gusali ng palengke ng Cabanatuan na noo’y kapansin-pansin dahil sa matingkad niyang kulay dilaw. Sa ibaba ng gusaling iyon ay nakahilera ang isang tindahan ng bisikleta, tindahan ng mga tela at isang sanglaan na umano’y laging mahaba ang pila.

Noong elemantarya pa lamang ako, isa sa mga pumipilang iyon ay ang aking ina o ang aking ama na naghahangad makakuha ng malaking halaga sa kanyang alahas na maisasanla. Ang perang makukuha sa sanglaang iyon ay ipangtutustos sa aking pag-aaral. Sa mga panahong iyon, maliit lamang ang kinikita ng aking mga magulang sa aming puguan at hindi ito sapat upang mapunan ang matrikula sa eskwelahan.

Tuwing dumadating ang araw na kinakailangan ko nang magbayad ng matrikula, isang sulat lamang ang aking naibibigay sa kahera. Isang sulat na naglalaman ng pakikiusap ng aking mga magulang na sana’y pakuhanin na muna nila ako ng pagsusulit at nangangakong magbabayad bago matapos ang buwan. Halos ganito lagi ang karaniwang makikita tuwing bayaran na ng matrikula ngunit hindi na namin ito ikinahiya.

Hindi naglaon, nalugi at nabaon sa utang ang aming puguan. Sa panahong iyon, ito lamang ang inaasahang pagkukuhanan ng pera ng aking mga magulang. Pero parang ito na rin ang dahilan kung bakit lumubog na kami sa kahirapan kung saan ang mga alahas at kagamitang naipundar ng aking mga magulang ay nauwi lamang sa sanglaan. Ngunit kung wala ang sanglaang iyon, hindi ako makakatapos ng elementarya sapagkat ito lamang ang naging pag-asa namin na makuhanan ng pera.

Lumalaki na ang aming pamilya nang ipinanganak ang aking mga kapatid kaya’t napagdisisyunan ng aking mga magulang na magpunta sa ibang bansa ulit. Sa kanilang pag-alis ay isinama nila ang aking mga kapatid at ako’y naiwan sa aking lolo’t lola. Mahirap ngunit kinaya ko at kahit nalayo man ako sa kanila, hindi parin sila nagkulang sa pangaral at sa aking pinansyal na pangangailangan. Sa paglipas ng panahon at sa krisis na tinatamasa ng aking pamilya, walang humpay pa rin ang pagtatrabaho ng aking mga magulang para matustusan ang pangangailangan naming magkakapatid mula sa pagkain, hanggang sa mga kagamitan sa eskwelahan, at maging sa aming mga kagustuhan. Bilang ganti, pinilit kong makaipon ng pera upang matubos ang mga naiwang alahas sa sanglaan.

Sa tuwing napapadaan ako sa kalyeng iyon ng Cabanatuan, wala na ang dilaw na gusali. Wala na ang mga nakahilerang tindahan at wala na rin ang pinipilahang sanglaan. Bagkus, ang dating tinitingala kong gusali ay mistulang bakanteng lote na lamang na may bakas ng sunog at nagkalat na mga basura.

Cory Magic


Hindi ko gaanong kakilala si dating Pangulong Corazon “Cory” Aquino pero dahil maraming tao ang naapektuhan ng kanyang pagkawala, nahikayat ako na kilalanin din siya. Kung tatanungin ang ilang mga kabataan sa aking henerasyon kung sino nga ba si Cory, ang karaniwang naisasagot lamang nila ay siya ang unang presidenteng babae ng Pilipinas o kaya’y ina ni Kris Aquino,isang sikat na artista at TV host.

Kamakailan lamang ay naratay sa banig ng karamdaman si Cory sa sakit na colon cancer at nitong nakaraang ika-1 ng Agosto ay tuluyang pumanaw. Sa una’y bale wala lang ito sa akin sapagkat hindi ko naman siya kilala pero tila may kumurot sa aking puso at naramdaman ko ang pighati ng bawat mamamayan sa kanyang pagkawala. Mula sa pag-aalay ng misa mula pa noong may sakit siya hanggang sa pag-aalay ng mga bulaklak sa tapat ng kanyang bahay matapos na siya’y mailibing, talagang makikita ang pagmamahal sa kanya ng masa.

Mula sa pagkakaburol niya sa La Salle Greenhills Gymnasium hanggang sa ilipat siya sa Manila Cathedral, dagsa-dagsang tao ang dumalo para masilip ang kanyang mga labi sa huling pagkakataon. Sa kanyang burol, bumuhos ang luha ng mga taong nagmamahal sa kanya at maging ang dati niyang mga katunggali sa pulitika ay tila naapektuhan sa pagkawala ng dating pangulo.

Sa araw ng kanyang libing, nagdaos ng huling misa para kay Cory sa Manila Cathedral na kung saan naramdaman talaga ng nakakarami ang sakit at lungkot sa kanyang pagkawala. Naitanong ko sa ilang taong kakilala ko kung bakit sila umiyak at nalungkot sa pagkawala ni Cory. Ang sabi ng ilan sa akin ay dahil daw naawa sila sa mga naulila ni Cory, napakabuting tao niya, nadala sila sa mga sinabi ni Kris, at ang iba nama’y tila ramdam nila ang sakit at kalungkutan dahil naranasan na rin nilang mawalan ng isang minamahal. Subalit ang tumimo sa aking isipan ay ang pagkabuhay daw muli ng alaala ng People Power Revolution at ang pilit na paghahanap ng kasagutan kung nasaan na ang mga adhikaing ipinaglaban noong 1986.

Sa paglabas ng kanyang mga labi sa simbahan at pagsakay sa trak na magdadala sa kanya sa Manila Memorial Park, sumabay sa pagbuhos ng ulan sa lansangan ang pagbuhos ng luha mula sa sobrang dami ng taong nakiramay. Kasabay ng pag-andar ng trak ay ang pagdagsa ng mga tao na naglakad at sumunod sa prusisyon ng libing kahit na anong bagal ang pag-usad nito. Ang ilan sa mga tao ay nag-abang na lamang sa pagdaan ng trak habang isinisigaw ang pangalan ni Cory. Ang ilan naman ay naghagis ng mga dilaw na bulaklak sa ibabaw ng trak at halos lahat ay nakataas ang kamay at bumuo ng letrang L ang kanilang mga daliri simbolo ng “Laban” na kung saan pinasikat ni Cory noong panahon ng EDSA 1. Dilaw ang naging tandang kulay na nagpapakilala kay Cory kaya’t maging sa kanyang libing ay dilaw ang nagsilbing kulay ng lansangan dahil sa mga confetti, lobo, damit, iba’t ibang banner na nagsasaad ng mensahe, litrato ni Ninoy at mga kalapating pinalipad.

Noong panahong ipinaglaban ni Cory ang ating kalayaan mula sa diktadurya, ang mga mamamatay-sunog ang nagpaligo ng tubig sa mga nagrarally. Sa libing ni Cory hindi rin nawala ang mga mamamatay-sunog ngunit sa pagkakataong ito, pataas ang daloy ng tubig tanda ng respeto at pagsaludo sa dating pangulo.

Tumagal ang prusisyon ng libing ng halos pitong oras. Pitong mahahabang oras ng paglalakad, pagkabasa sa ulan, pagkauhaw at pagkagutom, at pitong ring maiikling oras upang makasama at masilayan si Cory. Sa pagbuhos ng ulan, hindi nagpaawat ang pagdami ng taong nakilibing. Nang makarating sa himlayan ang mga labi ng dating pangulo, isang naaangkop na parangal ang inihandog ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na kanilang mahigpit na pinaghandaan.

Sa pagdaraos muli ng isang maikling pagbabasbas sa dating pangulo, ang kanyang mga anak at mga kaibigan ay nagpaalam sa huling pagkakataon. Gaya ng sabi ni Cory noong pagkamatay ni Ninoy, “Ninoy who loved the Filipinos; is being loved in return” at ngayon, sa ipinakita ng mga tao, kay Cory naman nababagay ang mga katagang ito.

Sabi nila, umiral na naman ang “Cory Magic” na kung saan napagkaisang muli ni Cory ang sambayanan. Gaya noong kaganapan sa People Power Revolution , umulan muli ng dilaw na confetti, narinig muli ng sambayanan ang mga makabayang kanta, nabuhay muli ang pag-asa, nagkabuklod muli ang mga Pilipino, at nagkaisa muli ang bansa. Gaya nga ng sabi ni Cory, “I Thank God that I am a Filipino.” Sa kanyang pagkawala, sana ang kanyang mga katagang ito ay manatili at maisabuhay ng bawat Pilipino.

Thursday, October 22, 2009

Ngunit Hindi Ako si Superman


NOONG bata ako, laging sinasabi sa akin ng mga magulang ko na may bayan akong dapat pagsilbihan at ipagmalaki. Opo lang ako ng opo noong tinuturo nila iyon sa akin kahit na hindi pa talaga ito lubos na maintindihan ng aking musmos na isipan. At ilang taon nang nakalipas, hindi ko pa rin maunawaan iyon hanggang sa tuluyan ko na itong isinantabi.


Naaalala ko pa noong ako’y walong taong gulang pa lamang, nakaupo at kumukayoy ang aking mga paa sa duyan na nakasabit sa pagitan ng dalawang puno. Pagala-gala ang aking tingin sa mga kung anu-anong bagay sa paligid habang bumubuo ang aking isipan ng mga tanong na sa habang pagtanda ko ay unti-unti kong nasasagot.

Sa hindi kalayua’y tinawag na ako ng aking ina sapagkat kami’y tutungo para magsimba. Habang na sa loob kami ng simbahan gaya ng ilang mga bata, palaro-laro lang ako at makulit na humihingi ng perang pambili ng makukulay na koton kendi hanggang sa mapagalitan na ako ng aking ama. Maya-maya’y nagsimula na maghomily ang pari at nakuha niya ang aking atensyon nang bumanat siya ng joke. Mula noo’y nakinig na ako sa kanya at may isang bagay siyang naituro sa akin na hindi ko malilimutan. Iyon ay ang buhay ng tao daw ay ipinagkaloob sapagkat may dahilan ang Diyos. At naisip ako, ano nga kaya ang dahilan bakit ako nabuhay?


Sa pagtatapos ng misa, nakuha ko na rin sa wakas ang inaasam kong koton kendi. Sa aking pagkain, sumabay na lamang ang pagkawala nito sa pagsasantabi ko doon sa sinabi noong pari.

PAGDAAN ng ilang taon, lagi pa rin akong bumubili ng koton kendi pagkatapos ng misa. Pero nahinto na ito nang minsa’y bibili pa lamang ako nang biglang napunta ang atensyon ko sa isang matandang nakasuot ng gulagulanit na damit na animo’y mas marumi pa sa basahan, at nakahiga sa gilid ng kalsada habang naghihintay mapunan ng kahit kaunting barya ang baso sa kanyang tabi. Halos madurog ang puso ko nang maisip ko and estado niya sa buhay. Matanda na siya, mahina na, pero tinitiis niya ang init ng araw at lamig ng gabi para lamang kumita ng kakarampot na baryang pambili ng pagkain na hindi man lang makakabusog sa kumukulo niyang sikmura. Pero wala akong magawa. Ang tangging nagawa ko lang ay ibigay sa kanya ang limang pisong pambili ko sana ng koton kendi.


Sa pagsakay ko ng tricycle, naisip ko ang mga lolo’t lola ko. Matatanda na rin sila, may ilang mga parte ng katawan na nila ang sumasakit at marami na rin silang mga hindi kayang gawin. Gumuhit muli sa aking isipan ang larawan ng matandang nakita ko. Halos kapareho lang siya ng mga lolo’t lola ko. Kung sila nahihirapan, ano pa kaya itong matandang pulubi na walang pambili ng gamot, walang matinong tirahan, walang makain at marahil mas nanaisin pa niyang mawala sa mundo para lang maibsan na ang kahirapang nararamdaman niya sa araw-araw. Muli, wala nanaman akong magawa. Minsa’y gusto ko siyang puntahan, pakainin at makakwentuhan kahit sandali pero sa muli kong pagsimba, wala na siya doon. Marahil lumipat na siya ng ibang lugar para mamalimos o kaya’y dinala na siya sa home for the aged.

Sa sandaling panahon na nasilayan ko ang matanda, ang dami niyang naipamulat sa akin. At marami pang mga kasunod na pangyayari ang nagturo sa akin kung gaano kahirap ang buhay.

ISA na rito ay ang pagdating ng bagyong Ondoy na bumago sa buhay ng nakakarami at nagbigay ng aral sa akin tungkol sa mga mahahalagang bagay na habang-buhay kong dadalhin.

Pauwi kami noon ng aking ninang sa Nueva Ecija. Bagamat bagyo, hindi namin inaasahan na ang bagyong iyon ay magiging mitsa ng buhay ng nakakarami. Panatag na panatag kami ni ninang na nagkukwentuhan nang bigla nalang na may mga nagtetext sa kanya at nangungumusta kung lumubog daw ba ang aming bahay. Nagulantang kami kaya’t binuksan namin ang radyo at nakinig ng balita habang pauwi sa bahay ng lola ko. Sa aking naririnig na mga panayam sa mga tao, hindi ko alam kung nararapat ba akong magpasalamat kasi maswerte kami at wala kami doon o dapat akong malungkot kasi wala ako doon para tumulong sa mga nangangailangan.


Ako’y nalulumbay sapagkat wala nanaman akong magawa. Wala. Hindi ko mailigtas ang mga taga Marikina na nasa ibabaw ng kanilang mga bahay habang nasa Nueva Ecija ako at nakaupo sa aming salas habang pinapanood silang nahihirapan. Hindi ko kayang pahupain ang bahang nilulunod ang sambayanang Pilipino. Hindi ko mahanap ang mga taong nawawala. Hindi ko kayang kupkupin ang libo-libong batang nawalan ng magulang. Hindi ko maibalik ang mga kabuhayan na nilamon ng pagkakataon. Hindi ko napigilan ang bagyo. At habang unti-unting kinukuha ng bagyo ang buhay ng mga tao, tangging lungkot at awa lang ang aking naibigay.

Sa karanasang ito ako namulat para kumilos at tumulong sa mga taong alam kong may kailangan. Sumama ako sa mga organisasyong tumutulong sa mga nasalanta ng bagyo. Natuto akong makisalamuha sa kanila at ipinamulat nila sa akin ang paghating kanilang naranasan na minsa’y nagbigay ng lamat sa kanilang buhay na mahirap nang malimutan. Pero sapat na nga ba ang mga nagawa ko? Sapat na ba ang isang kilong bigas, mga damit, mga de lata at mga instant noodles para mapalitan ang buhay na nawala sa kanila? Alam kong masakit ang pinagdaanan nila pero parang mas nasasaktan ako kasi walang na ngang nagyari sa akin, hindi ko pa magawang tulungan sila.


Parusa nga lang ba ito sa atin o isang pamamaraan ng Diyos para tayo’y muling ipagkaisa? Pero kung anuman iyon, nais ko na lamang itong ituri na isang hulog ng langit na naglinis ng mga kasalanan at pinagkaisa ang bawat Pilipino. Isang suliranin na masasabing napagpantay ang estado sa buhay ng nakakarami. Walang pinipili. Mayaman man o mahirap, tinamaan man ng bagyo o hindi, nagkaisa para sa kapakanan ng bawat mamamayan.

Pero parang wala pa rin akong nagawa. Nakapaghatid man ako ng tulong parang wala pa ito sa katiting na kailangan ng mga taong nasalanta ng bagyo. Sa halip narito nanaman ako sa tapat ng aming telebisyon at pinapanood ang mga taong nasalanta ng bagyo, mga napatay, at maging mga nagrarali.


PAUWI na ako noon nang maabutan ako ng trapik dahil sa mga nagrarali. Hinangaan ko sila sapagkat naisusulong nila ang kanilang protesta para sa pagbabago. Naisip ko, sana may kapangyarihan ako para sabihin sa gobyerno kung ano ang boses ng masa, sabihin sa mga pulitiko na huwag masilaw sa pera, protektahan ang mga nagrarali laban sa pambobomba ng tubig sa kanila, sana may kapangyarihan ako para ibigay ang pagbabagong hinihiling ng bawat Pilipino at sana may lakas ako ng loob para ipaliwanag sa mga nagagalit na pasahero na para na rin sa kanila ang ginagawang rali ng mga tao. Ngunit wala akong magawa kundi ang panoorin na lamang sila na isulong ang pagbabago habang ang mga katabi ko sa dyip ay nagrereklamo sa trapikong dinudulot nila.

Gustong-gusto kong sumama sa pagprotesta dahil alam ko na kahit sa munting paraan, nakikiisa ako sa pagsulong ng mga pagbabago para sa bayan. Pero hindi ko magawa. Hindi kakayanin ng resistensya ko. Ang tangging bagay na lamang na maaari kong gawin ay ang magmulat sa mga tao kung ano nga ba ang mga kabulastugang nangyayari sa gobyerno.


HINDI tumagal ay nakarating na rin ako sa kanto ng mall kung saan ako muling sasakay para makauwi ng bahay. Dumaan muna ako sa Western Union para kuhanin ang perang padala ng aking mga magulang. Minabuti kong umuwi agad sapagkat alam kong delikado na kasi lumalalim na ang gabi at may dala pa akong 20,000 sa aking bag. Bagamat lumilipad ang aking isipan, hindi ko namalayan na muntikan ko nang matapakan ang isang lalaking nakahandusay sa daan. Natulala na lamang ako nang binubuhat na siya ng mga tao at isinakay sa ambulansya. Tangging yuko at lungkot na lamang aking nagawa.

Nagmuni-muni ako sandali at naisip ko, bakit nga ba wala man lang akong ginawa? Dahil ba nasira ang araw ko kasi hindi ko nakita ang inspirasyon ko o dahil nabadtrip nanaman ako kasi naka tres ako? Sa pagsakay ko ng tricycle, nablanko nanaman ang aking isipan. Binalot nalang ng kaantukan ang aking nararamdaman hanggang sa hindi ko namalayan, lumagpas na pala ako sa aming bahay kaya’t pinabalik ko na lamang ang tricycle doon.


Gulung-gulo ang aking isipan sa pagpasok ko sa bahay. May mga tanong na naglaro sa utak ko na nagdulot na lamang ng kasakitan ng aking ulo. Ano kaya ang nangyari dun sa taong nakahandusay sa kalsada? Nasagasaan kaya siya? Lasing kaya? Bakit hindi ko inalam? At higit sa lahat, bakit wala man lang akong nagawa?

Hindi na ako nakakain pa ng hapunan at dumiretso na lamang ako sa aking silid upang umpisahan ang aking sanaysay. Ang dami kong mga naiisip na bagay na gusto kong isulat ngunit hindi ko ito mapagsama-sama. Pati ba naman ito hindi ko pa magawa. Pero bakit ang dali para sa akin ang tapusin ang apat na CD ng aking nilalaro? Marahil hindi ko nanaman maalis sa aking isipan ang nangyari sa taong nakahandusay sa daan. Maayos na kaya ang lagay niya? Maayos din kaya ang pamilya niya? Gustuhin ko man na bigyan siya ng perang pampagamot ano pa ba an magagawa ko kung ako mismo ay walang pera. Paano na nga kaya yung ibang tao sa ospital na walang pambayad? Iniiwan nalang ba sila doon ng mga kaanak nila at hindi na matubos?
BIGLA-bigla’y gumuhit sa aking isipan ang larawan ng PGH na ang mga pasyente ay nagkalat lang sa mga pasilyo at walang pambili ng gamot. Nalungkot lang ako lalo kasi hindi ko man lang sila matulungan. Hindi ko magawang bigyan sila ng gamot, tumabi sa kanila para subuan sila, gamutin sila ng libre at pasayahin sila kahit kaunti.


Pero hindi ko magawa. Minsa’y naisip ko na sana makagawa ako ng gamot na kahit anong sakit ay pwedeng gumaling pero mukang napaka imposible nito. Ngunit kung nagawa ko man ito, buhay pa sana ang lolo ko at marahil hindi na sana nagtiyatiyaga ang aking ina sa pagkontrol ng kanyang diabetes.

MASYADO nang naaliw ang aking isipan kaya’t kumuha na lamang ako ng lapis at isang palinis na papel at sinumulang isulat lahat ng mga naiisip ko. Hanggang sa tinupi at ginawa ko na lamang eroplano ang malinis na papel na hawak ko. Hindi ko magawa ang dapat kong gawin. Hindi ako makapagsulat dala ng halo-halong emosyon na nararamdaman ko, at dala na rin ng pag-aalala kung papalarin ba akong pumasa sa lahat ng aking asignatura.


Natatandaan ko pa noong bata ako, lagi akong tinuturuan ng mga magulang ko sa aking pag-aaral. Dala na rin ng takot ko na mapalo nila. Masaya ako noong sa tuwing makakakuha ako ng isang parangal sapagkat alam ko na matutuwa ang mga tao sa paligid ko. Pero bakit ngayon, hindi ko na ulit ito magawa; hindi na ako masyadong nakakakuha ng mga parangal at ng mga kung anu-anong mga papuri at sa halip, wala na akong magawa pa.
Ang dami nang nangyari. Ang dami ko na ding hindi nagawa. At parang animo’y unti-unti akong binabangungot ng aking kunsensya.

Nasaan na kaya ang pulubi sa tabi ng simbahan? Kumusta na kaya ang mga nasalanta ng bagyo? Nahilom na kaya ang mga sugat na natamo ng mga nagrarali? Buhay pa kaya yung taong nakahandusay sa kalsada? Maayos kaya ang lagay ng mga pasyente sa PGH? Mapapasaya ko kayang muli ang mga tao sa paligid ko at ang mga magulang ko? At higit sa lahat, magawa ko pa kaya ang mga bagay na nabigo akong gawin?


Hindi ko masagot lahat ng katanungan sa aking isipan pero lagi akong umaasa na sana’y maging maayos na ang lahat. Naiinis ako sa aking sarili sapagkat wala akong magawa para sa mga nangangaiilangan. Ngunit iniisip ko na lamang na pampalubag loob na rin siguro ay nagawa kong mag-alala at magmalasakit sa mga taong hindi ko man natulungan pero napuna ko sila kaysa sa hindi ko pagpansin at pagbubulag-bulagan sa mga bagay na dapat bigayan ng karampatang atensyon.

Ang dami na palang mga dumaang pangyayari sa buhay ko. Mga bagay na hindi ko magawan ng paraan at hindi ko unabis magawa. Marami na rin ang mga nawalang pagkakataon na sana’y may nagawa ako ngunit wala. Masyado akong naging mahina kung kalian ako dapat naging malakas para sa kapwa ko. Pero nabigo man ako, marami akong natutunan na nakatulong sa pagbuo ng aking pagkatao.

Ngayon, naiintindihan ko na ang sinabi sa akin ng aking mga magulang na may bayan akong dapat pagsilbihan at ipagmalaki. Isang bagay na hindi ko alam kung kakayanin ko ba o unti-unti ko nang nasisimulang tapusin. Pero kung gaano man kalayo ang narating ng aking misyon, lagi ko pa rin natatanong sa sarili ko sapat na ba ang mga nagawa ko para masabing pinaglingkuran ko na ang bayan?

Monday, October 12, 2009

"Airport"


Bihira akong magpunta sa airport; pero sa tuwing mapapadpad ako rito, hindi maalis sa isip ko ang emosyon ng mga taong nakikita ko, ang pakiramdam sa tuwing nagpupunta ako rito, at ang alaalang animo’y simple ngunit tumatatak sa musmos kong isipan.

Maraming tao lagi sa airport. Sa mga susundo, makikita mo sa kanilang mga mukha ang mga ngiting hanggang tainga sa pananabik na makita muli ang kanilang mahal sa buhay. May mga batang naglalaro o hindi kaya’y nakasingit sa pagitan ng mga matatanda at nagagalak rin na makita ang kanilang kaanak. May ilan naman sa mga susundo ang hindi kilala ang kanilang mga susunduin kaya’t may dala silang papel na nakasulat ang pangalan ng mga ito. Sa mga kararating naman, malayo pa lang sila at hindi pa sila nakakalabas, humahaba na ang kanilang mga leeg sa paghahanap ng sundo. At siyempre, hindi mawawala ang drama. Sa mga aalis at naghahatid, hindi mawawala ang pagbuhos ng luha o hindi kaya’y ang pagkawala ng mga ngiti sa kanilang mga labi. Isa ako sa mga masaya at malungkot na mga taong ito noon at magpahanggang ngayon.
Bata pa lamang ako, suki na ng Royal Brunei Airlines ang mga magulang ko. Bagamat bihira akong makasakay sa eroplanong ito, hindi pa rin maalis sa isip ko ang kulay dilaw nitong buntot, ang pulang mga upuan, ang libreng kumot at unan, ang mga kubyertos na kinulekta ng mga magulang ko sa tuwing sasakay sila rito, ang paborito kong kendi na inaalok ng stewardess, at ang earphones na tumutugtog ng mga kantang hindi ko maintindihan.

Bihira ko lang masaksihan ang mga ito sapagkat naiiwan ako lagi sa mga kamag-anak. Ang madalas kong nakikita ay ang bagaheng ibinababa sa likod ng sasakyan, ang mga trolley na hindi ko maitulak, pasaporte at tiket ni mommy o ni daddy, ang hand carry na sampung kilo, ang labas ng airport, at ang mga luhang pumapatak sa mga mata ng aking mga magulang sa tuwing iiwan nila ako.

Ganito ang nakagisnan kong buhay. Malayo sa aking mga magulang. Nangungulila sa aking ama’t ina at nasasabik na makasama sila. Pero kahit papaano, mainam na rin na kasama ng aking mga magulang ang mga kapatid ko kasi kung mayroong isang pangyayari sa buhay ko ang ayokong maranasan nila, iyon ay ang mangulila sa kalinga ng isang magulang. Ang hanap-hanapin ang akap ng isang inang nagpupuyat kung may sakit ka, ang matiyagang pagdidisiplina ng isang ama, ang mga number one fan mo kung mayroon kang nakamit, ang mga magulang na handang sumuporta sayo sa mga panahong kakandidato ka sa student council, at ang mga taong unang matatranta kapag ika’y nadapa.

Mahirap lang kami. Kulang ang perang pantustos sa aming magkakapatid kaya’t pagtatrabaho sa

abroad ng aming magulang ang kapalit. Mabuti na rin iyon kaysa sa magdildil kami ng asin.
Marami ng pinagdaanan ang mga magulang ko para lang matustusan ang aming mga pangangailangan. Mula sa pagsasanla ng aming mga alahas, ang pagbabakal ng aking ama, ang pagrerecruit ng aking ina, ang pag-aalaga ng mga pugo, at maging ang pagtatalyer kinagat na ng aking mga magulang para lang may maipakain sa amin.

Sa kabila ng mga napagdaanan ng aming pamilya, gaano man kabigat sa loob ko ang mawalay sa kanila, nagpapasalamat na rin ako na naging mahirap kami sapagkat natuto akong umunawa sa aming sitwasyon. Namulat ako sa kahirapan ng buhay, natuto akong magpahalaga ng pera, at natuto akong tumayo mag-isa sa mga pagkakadapang dati’y itinayo at pinapagpagan ng aking mga magulang.

Sa bawat paglipas ng araw, hindi nawawala ang pag-asa ko na sana’y umuwi na ang mga magulang ko. At lagi kong inaasam ang araw na sana’y mabuo at makapamuhay na muli ng matiwasay ang aming pamilya.

Ngayon, sa tuwing pupunta ako ng airport, at sa tuwing makakakita ako ng eroplano, gusto kong hanapin ang isang mag-asawang nasasabik sa pag-uwi para muling mahagkan ang kanilang munting anghel na matagal ng nasasabik sa muli nilang pagbabalik.